
ANG LUMANG DYIP NI Tatay ang kauna-unahang dyip sa Baranggay Pastol. Sinasabing walang taga-Pastol ang di nakakakilala at di pa nakasasakay sa dyip ni Tatay.
Walang bata sa aming lugar ang bininyagan at magkasintahang nagkatuluyan at ikinasal na di inihatid ng dyip ni Tatay sa simbahan. Walang nagtapos ng pag-aaral sa Baranggay Pastol ang di inihatid ng dyip ni Tatay sa paaralan.
Saksi rin ang dyip ni Tatay sa mga pag-alis at pag-uwi ng mga taga-Pastol, sa malalakas na tawanan ng mga matagal na di nagkita, maging sa mga hagulgol ng mga naiwang kaanak na mga taga-Pastol na magtatrabaho sa ibang bansa.
Mahusay na tsuper ang aking Tatay. Sabi nga ng mga taga-Pastol, dadaigin ni Tatay ang sinumang nag-aral na tsuper, dahil bukod sa di-kaskaserong pagmamaneho ni Tatay, panatag na panatag pa raw ang kanilang kalooban. Siguradong-sigurado raw silang makararating sila sa kanilang paroroonan nang buhay o humihinga pa. Tamang-tama ang busina ng dyip ni Tatay at banayad na banayad din kung tapakan niya ang preno. Nakasisingit siya kahit sa masisikip ang daan nang walang gasgas o anumang daplis ang dyip. Di ko rin nakitang uminit ang kanyang ulo sa pagmamaneho. Kaya naging sukatan ng isang mahusay na tsuper ang aking Tatay sa buong Barangay Pastol.
“Aba’y kung dyip ni Mang Tomas ang iyong aarkilahin, wala kang magiging problema,” minsa’y narinig ko sa umpukan ng mga tao sa gulod.
“Kung dyip ni Mang Tomas ang maghahatid, aba’y sasama ako dahil tiyak kong di ako magkakandahilo,” ang dinig ko kay Lola Kadyang.
“Kung di mo alam kung saan ‘yon, arkilahin mo si Mang Tomas, parang mapa ang utak ng taong ‘yon,” ang dinig ko sa isang barbero habang nagpapagupit ako.
“Aba! Kung ako’y maaaga, payag akong ang dyip ni Mang Tomas ang maghahatid sa akin sa huling hantungan. Ang dyip ‘ata ni Mang Tomas ang naging saksi sa magagandang pangyayari sa aking buhay rito sa Pastol,” ang parang paghahabilin naman ni Lola Ine.
May mga mag-asawang taga-Pastol din ang nagsasabing naging masuwerte sa kanilang pagsisimula bilang mag-asawa ang lumang dyip ni Tatay.
ALAGANG-ALAGA NI TATAY ANG dyip. Kahit luma na ito, tiyak na dadaigin pa nito ang pinakamahal o pinakabagong sasakyan. Sa isang ingit o lagutok lang, alam agad ni Tatay kung may sira ang dyip. Di rin ito nakakalimutang linisin ni Tatay kung araw ng Linggo.
“Maswerte na sa atin ang dyip na ‘to,” ang sabi sa akin ni Tatay habang iniisis niya ang tapalodo ng dyip.
“Kung di ba dahil sa dyip na ito, mapagtatapos ko ba ang iyong Ate? Mapag-aaral ko ba ang iyong Kuya sa Maynila? Pagbutihin mo rin ang iyong pag-aaral, ang makatapos lang kayo ng pag-aaral ang tanging maipapamana ko sa inyong magkakapatid,” dagdag pa ni Tatay.
Titser sa Bayan ang aking Ate Perla. Nag-aaral naman ng inhinyero ang aking Kuya Nonon sa Maynila.
‘Pag bagong paligo ang dyip, parang nadaragdagan ang tibay at tulin nito.
“Poging-pogi ‘Tay ang dyip natin!” ang nasabi ko kay Tatay.
“S’yempre sa’n pa ba magmamana ‘yan kundi sa ating dalawa!” ang sagot ni Tatay.
Di maubus-ubos ang malakas na tawanan namin ni Tatay.
Tapos, isusunod naman ni Tatay ang pagpapakain at pagpapaligo sa mga alaga naming hayop. Siyempre, tumutulong din ako kay Tatay, pati sina Ate Perla at Kuya Nonon. Kami nina Ate at Kuya ang naglilinis ng mga tanim ni Tatay. Kami ang nagbubunot ng mga ligaw na damo, nagbubungkal ng lupa, nagdidilig at pumipitas ng mga bunga. Masayang-masaya ako dahil sama-samang kami.
MADALAS AKONG SUMAMA KAY Tatay sa pagpasada ng dyip, lalo na kung Sabado at Linggo o kung bakasyon. Ako ang tagakuha ng bayad ng mga pasahero at tagasukli. At kung nasa paradahan naman kami at naghihintay na mga pasahero, di ko nakakalimutang kalangan ng bato ang gulong at punasan ang mga side mirror ng dyip. Sinisigurado ko ring nalagyan ko ng tubig ang radiator nito. Kapag pumasada na kami ni Tatay, walang anumang aberya. Lahat ng pasahero nakakauwi sa kani-kanilang mga bahay. Lahat ay nakakapunta sa kanilang mga pupuntahan.
Laging puno ng pasahero ang dyip ni Tatay at madalas may sabit pa. Sabi nga ng mga taga-Pastol, lahat daw ng hawakan ni Tatay may suwerte. Sakayin daw ng mga tao ang aming dyip. Kahit sa estribo di nawawalan ng pasahero.
Naisip ko, kaya pala malalago’t marami ring mamunga ang kanyang mga tanim na mangga, santol, atis, kaymito, pakwan, chico at banaba? Tali-tali at bungkus-bungkos lagi ang kanyang mga inaaning sitaw, okra, ampalaya at iba pang gulay? Kaya pala matataba’t di sakitin ang kanyang mga alagang hayop, tulad ng kalabaw, baka, kambing, baboy, aso, pabo at manok?
“May taglay nga kayang pambihirang madyik ang mga kamay ni Tatay? Bakit lahat ng kanyang hawakan, napakikinabangan? Bakit lahat ng kanyang itanim, nabubuhay at hitik kung mamunga? Bakit lahat ng kanyang alagaang hayop, dumarami?” ang sunud-sunod kong tanong sa aking sarili.
ISANG HAPON, HABANG KUMAKAIN kami sa isang karinderya sa paradahan ng dyip, may ikinuwento sa akin si Tatay.
“Alam mo ba kung bakit suwerte ang ating dyip?”
“Bakit nga po ‘Tay?”
“Noong Disyembre 16, 1999, alas-4 ng madaling-araw, isang malusog na sanggol na lalaki ang ipinanganak sa ating lumang dyip.”
“Talaga ‘Tay?”
“Oo, noon ay simula ng Simbang Gabi. Papunta kami sa Simbahan pero biglang sumakit ang tiyan ng babaeng sakay ko. Pero di pa kami nakararating sa ospital, lumabas na ang bata. Kaya iyak ng isang sanggol na lalaki ang narinig ko noong unang Simbang Gabi,” kuwento ni Tatay.
“Alam mo ba kung sino ang babaeng tinutukoy ko? At kung sino ang sanggol na kanyang ipinanganak? Wala ka bang naaalala sa petsa ng kapanganakan ng sanggol?” ang sunud-sunod na tanong ni Tatay.
Nasabik ako sa susunod na kuwento ni Tatay.
“Ikaw ang sanggol na iyon na ipinanganak sa ating lumang dyip. Ibinigay ka sa amin ng Diyos sa unang Simbang Gabi.”
Kaya pala kapareho ng kaarawan ko ang kaarawan ng sanggol na ikinukuwento ni Tatay.
“Pero di naging madali para sa iyong Nanay ang kanyang pagbubuntis. Kahit alam niyang delikado sa kanyang kalagayan, gusto niyang maipanganak ka. Ikaw ang pinakamagandang regalo na aming natanggap. Iyon ang gabing ibinigay ka sa amin ng Diyos at iyon din ang gabing kinuha na niya ang iyong Nanay. Ibinilin ka sa akin ng iyong Nanay,” biglang nangatal ang boses ni Tatay.
“Suwerte raw ang sasakyan ‘pag may sanggol na ipinanganak sa loob nito. Dahil sa bagong buhay na isinilang, nagiging mahaba at ligtas ang buhay ng mga sakay nito. Ikaw bunso ang suwerte sa ating pamilya.”
Kaya pala ganoon na lang ang pag-aalaga ni Tatay sa lumang dyip. Sa bawat pagpasada ni Tatay, sumasarap lagi ang aming ulam, nakapag-aaral kaming magkakapatid, nabibili nina Ate Perla at Kuya Nonon ang mga librong kailangan nila at tuwing may kaarawan sa amin, di rin nawawala ang munting handa. Kaya pala hitik kung mamunga ang kanyang mga tanim. Kaya pala maaamo’t napapakinabangan ang mga alaga niyang hayop. Kaya pala hinding-hindi ko naramdaman na wala na akong Nanay dahil inalagaan kaming mabuti ni Tatay.
“Kaya anak, ‘pag tinanong ng titser mo kung saan ang lugar ng iyong kapanganakan, sabihin mong sa ating lumang dyip ka ipinanganak,” pagbibiro pa ni Tatay habang ginugulu-gulo niya ang aking buhok.
Astig talaga ang aking Tatay!
ISANG SABADONG REST DAY ni Tatay, sumakay ako sa lumang dyip. Umupo ako sa kanyang malambot na upuan at ginaya ko kung paano niya hinahawakan ang manibela ng dyip. Pinindut ko ang busina. Ibinaling ko ito sa kanan, pagkatapos sa kaliwa. Nagbusina uli ako. Tumingin ako sa side mirror. Nagpreno. Pumarada.
Balang-araw gusto kong maging isang mahusay na tsuper tulad ni Tatay.
Gusto kong ihatid ang mga tao sa kanilang pupuntahan.
Gusto kong sunduin ang mga tao pauwi sa Baranggay Pastol.
Gusto kong salubungin ang mga taga-Pastol na nagpunta sa ibang bansa.
Gusto kong pakinggan ang magagandang kuwento at halakhakan ng mga magkakapamilyang matagal na di nagkita.
Gusto kong mapuntahan ang malalayong lugar nang ligtas at mabilis.
Gusto kong maging isang mahusay na tsuper tulad ni Tatay.
Gusto kong patuloy na maging saksi ang dyip ni Tatay sa masasayang okasyon, tulad ng kasal, binyag, ng mga pagtatapos ng pag-aaral at iba pa.
Hinawakan kong mabuti ang manibela ng dyip. Sana’y magkatotoo ang aking mga pangarap. Bigla’y parang malayung-malayo na nga ang aking nabiyahe. Di man lang ako kinabahan sa aking pagmamaneho.
At sa aking pagkakahawak sa manibela at pagkakaupo sa malambot ng upuan ni Tatay, naramdaman kong tila hawak na rin ni Tatay ang aking mga kamay at yakap naman ako nang mahigpit ni Nanay. Kaysarap ang aking pakiramdam. Ligtas na ligtas ako.
Alam kong lagi nila akong gagabayan sa mga daang aking pipiliing daanan.
(Para kay Mang Tomas, ang aking mahal na Tatay, ang pinakamagaling na tsuper sa buong mundo.)
(Finalist, 2008 Romeo Forbes Children's Storywriting Competition)About the Author:
Genaro R. Gojo Cruz was born in San Jose del Monte City, Bulacan. He is the author of several children’s books, such as Ang Lumang Aparador ni Lola, Si Nanay at Ang Tatlong Kuting, Bahaghari, Ang Aking Pamilya, Ang Paborito Kong Meryenda at Mga Laruang Papel. He received awards and recognition, including the Palanca Awards, PBBY-Salanga Writers Prize & 2008 Romeo Forbes Children's Storywriting Competition. In his free time, he tells stories to Binondo’s street children. He currently teaching Filipino and Literature at De La Salle University–Manila.